Must Read
Noong kainitan ng COVID-19 at rurok ng kapangyarihan ni dating pangulong Rodrigo Duterte, nakatikim ako ng hambalos ng mga troll niya.
Mayo 14, 2019, binasahan ng sakdal ang CEO namin sa Rappler na si Maria Ressa at dating researcher na si Reynaldo Santos Jr. sa kasong libel na isinampa sa Manila Regional Trial Court. Tandang-tanda ko pa ang post ko sa Facebook nung araw na ‘yun. Sabi ko, “A dark day for Philippine press.” (TIMELINE: Rappler’s cyber libel case)
Kapipindot ko pa lang ng “post,” nag-umpisa na ang bangungot ko. Ang naalala kong “reply” na naging sargo ng sunod-sunod na hagupit ay, “Ano’ng dark day ang pinagsasabi [mo], mga presstitute kayo.”
First time kong natamáan ng látigó ng mga troll. Nilapa ako ng attack dogs ng grupong DDS. Nilagnat ako nung araw na ‘yun. Lagpas isang buwan akong umiwas sa Facebook.
Naikuwento ‘yan dahil naisip ko ang sitwasyon ni Senador Alan Peter Cayetano.
Mahirap maging polítikó.
Sinasabi ko ito bilang isang hamak na tambay o karaniwang mirón sa lipúnan.
Sa tingin ko, kapag pumasok ka sa ganyang linya, ang mga katangíang kailangan mo ay: tibay ng sikmura, malamig na ulo, lakas ng loob, mahabang pasénsiyá, at tiyaga.
Kasi ako, hindi ko kinaya. Eh isang comment lang ‘yun sa post ko.
Malamang sa Facebook page ni Alan Peter at sa feed na ipinadadala sa kanya ng mga algorithm, maraming mga hambálos. Sa ganyang masidhing mga atake, titiklop ang mahihina ang loob.
Pero ibang klase si Alan Peter. Parang lalo pa siyang naging madaldal.
Habang makatuwiran at nasa lugar ang mga argumento laban sa kanya, mas humihigpit ang yakap niya sa titulo ng Senate President. Naisip tuloy ng tambay na ito na kasama rin pala ang pagkakaroon ng makapál na mukha sa mga katangian ng politiko.
Nabasa ko sa isang social media post na, dahil sa dalas ni Senator Cayetano na mag-Facebook Live, aakalain mong isa na siyang maglalakò sa FB. Tulad siya nung mga mabungangà na nagpipilit mabudol ka nung ibinebenta nila.
Sabi nga ng isang nakatatandang kasama sa umpukan naming mga tambay, naririndí na raw siya sa boses ni Senador Cayetano dahil sa dalas nitong lumabas sa mga news report. Naisip ko, ganun katindi si Alan Peter — pati matandang mahina ang pandinig gustong magtakip ng tenga kapag napapanood siya.
Pero nabanggit ng pinakamatalas sa grupo naming mga nagmamarunong, huwag tayong magpapabudol. Merong ibang layunin iyang si Cayetano. Sabi nung kung tawagin nami’y Henyo, baka ang talagang layunin ni Cayetano ay bulabugin, kung hindi man mapatigil, ang impeachment trial sa Senado ni Vice President Sara Duterte.
Kaya, pa-Inglés na giít ni Henyo, “eyes on the ball.” Huwag magpapabudol.
Teka, teka. Bago ko makalimutan, babalikan ko lang si Senador Rodante Marcoleta. Umúsok kasi ang ilong ko nung isang linggo nang mabasa ko ‘yun bintang niyang mga bayaran daw ang karamihan ng mga nasa news media.
Ilang oras matapos niyang mabanggit ‘yun, nag-sorry siya at sinabing kaya niya ito nasabi ay dahil hindi man lang daw nabanggit ang pangalan niya sa mga news stories na lumabas sa mga pahayagang Inquirer at Philippine Star noong January 2025 sa malaking rally ng Iglesia ni Cristo sa Luneta.
Sabi ni Marcoleta: “I was the only one among the four speakers who provided the context in that rally.” Nagsalita daw siya ng 45 minutes, pero hindi man lang daw ito binanggit ng dalawang tinukoy niyang peryódikó. “Kahit initials ko man lang wala. Parang wala ako doon.”
Sa kanyang pangangatuwiran, nasabi rin ni Marcoleta na ang press lang daw ang natatanging institution na “walang nagku-curtail ng rights ninyo.”
Sagutin ko muna itong tungkol sa walang nagku-curtail, na sinabi ni Senadlor Marcoleta ,na isang abogado. Ang mas eksáktong sabihin ay nakasaad sa Article III, Section 4,ng Saligang Batas — ang Bill of Rights: “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press….”
Sa pagkakaunawa ko, walang batas na ipapasa na susupil sa “freedom of the press.” Pero may mga paraan para panagutin ang mga abusado sa media, at isa na nga rito ang magdemanda ng libel.
Tungkol naman sa isyu ng hindi man lamang siya kinilala o binanggit ng dalawang pahayagan nung nagsalita siya sa INC rally, hihiramin ko uit ang ilang talata sa librong The Elements of Journalism nina Bill Kovach at Tom Rosenstiel.
Sabi ng dalawang Amerikanong beteranong péryodísta: “What is news? Given the limits of space, time, and resources, what is important and what isn’t, what is to be left in and what is to be left out? And in the age of internet infinity, who is to say? These questions inform the eighth principle citizens require from their press: Journalism should make the news comprehensive and keep it in proportion.”
Sa madaling salita, matapos mangálap ng balita, misyon ng mga journalist ang suriin, timbangin, kilatisin kung alin ang karapat-dapat isulat o ireport sa publiko. Ginagawa ito ng mga peryodista alinsunod sa pinakalayunin ng journalism. ‘Ika nga nina Kovach at Rosenstiel, “The primary purpose of journalism is to provide citizens with the information they need to be free and self-governing.”
Siguro, para sa iyo, Senador Marcoleta, napakahalaga ng laman ng 45 na minutong talumpati mo sa rally. Pero dahil mas malawak ang nakikita ng media sa mga nangyayari, o ang sinasabing “the bigger picture,” maaaring iba ang pagkilatis nila.
Dahil sa ganoóng kaliit na bagay na mahigit isang taon ninyo nang kinikimkím, sasabihin ninyo na agad na “karamihan sa media mga bayaran”? Naman! – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.

