Mga bagong lublób sa malupit na mundo ng Philippine politics ang mga newbies na sina Leviste, Barzaga, at San Fernando, kaya madalas nakakangilo ang kanilang ikinikilosMga bagong lublób sa malupit na mundo ng Philippine politics ang mga newbies na sina Leviste, Barzaga, at San Fernando, kaya madalas nakakangilo ang kanilang ikinikilos

[Tambay] Tres niños na bagitos

2026/01/18 10:00

Dahil pista ng Santo Niño, masigla at masaya ang selébrasyón sa mga simbahang Katoliko ngayong Linggo, Enero 18. Sa kalendaryo ng Katoliko Romano sa Pilipinas, ang opisyal na tawag sa okasyóng ito ay “Kapistahan ng Panginoong Hesus, Ang Banal na Sanggol.” 

Makúkúlay na pagdiríwang ang nakalinya ngayon sa karamihan ng simbahan. Dahil sa alab ng debosyon ng mga Katolikong Pinoy, nagbigay ng natatanging pahintulot ang Vatican sa Pilipinas na ganapin ang Pista ng Banal na Sanggol tuwing ikatlong Linggo ng Enero. Namumukod-tangi ang ’Pinas na nagawaran ng ganitong kapahintulutan.

Masigla, masaya, at makulay at mga pagdiriwang sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Pinakatampok dito ay ang ipinagmamalaki ng Cebu City na Sinulog Festival at Fiesta Señor. May mga kapwa akong tambay na namamanatà na mag-uuwian para magsimba sa Basilica Minore del Santo Niño de Cebu. 

Isa ring bantog sa pagdaraúsan ng pista ng Santo Niño ay ang Ati-Atihan Festival sa Kalibo, Aklan. Dito sa Manila, nakapagsimba na nung araw ang tambay na ito sa mga simbahan sa Tondo at Pandacan na parehong ang Santo Niño ang patron.

Sa maraming parokya, tulad dito sa amin sa Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy sa may Mandaluyong City Hall circle, ang youth ministry ang “take charge” sa Santo Niño presentation. Mayroon silang dance presentation sa lahat ng misa na tutuldukan ng masigabong pagluhog ng “Viva! Pit Senyor!”

Kaya pumasok sa isip ko ang pista ng Banal na Sanggol dahil parang bumagay ito sa mga personalidad na umuugong sa mga balita. Ang tinutukoy ko ay ang mga “suki” ng social media at mga news report na mga  bagitong kongresista. Pero ang pupunteryahin muna ng hamak na tambay na ito ay yung tres niños sa Kámará de Representántes.

Ito ay ang mga newbie na sina Leandro Leviste (Batangas), Kiko Barzaga (Cavite), at Eli San Fernando (Kamanggagawa). Tila mga sanggang-dikit sila kasi nakakita ako ng pic sa social media na magkakasama at nagba-bonding ang trio of freshies. 

Lumalabas ang pagkatanders ko kapag nakakabasa ako tungkol sa mga bagets na ito. Maaaring puno sila ng “good intentions,” na sigurado akong aprobado sa lahat. Ang hindi suwák sa panlasa ko ay ang estilo nila. Sabi ko nga sa inyo, sa aming mga tanders, hindi pantay sa hulog ang atake nila sa mga isyu. 

Sa isang presser kamakailan, nabanggit ni Senator Ping Lacson na kinausap siya ni Senadora Loren Legarda tungkol sa mga galaw ng anak nitong si Representative Leviste. Nasabi ni Lacson na maaaring “hilaw” pa si Leviste kaya hindi pa ito hiyáng sa bakbakan sa pulitika. ’Ika nga ni Lacson, kapag bumatikos ka, asahan mong gagantihan ka. Kahit hindi totoo ’yung balik nila sa iyo, basta makaganti. “Ilalagay ka sa position na magiging defensive ka,” sabi ni Lacson.

Dagdag pa ng senador: “Ako I’ve stayed long enough sa politics to understand na mangyayari talaga
’yan (kapag bumatikos ka, babalikan ka).” (BASAHIN: [Vantage Point] The Leviste gambit: Monetizing clean energy for political gains?)

Ang isang newbie error ni Leviste na pinuna ni Lacson, na sinang-ayunan ko, ay: “Huwag ’yung bara-bara…. Huwag ’yung araw-araw nasa TV siya. Kasi, ‘di ba, nakakaumay din?” ’Ika nga sa wisdom ng mga tambay na feeling henyo: Hijo, it’s quality that matters, not quantity.

Iba naman ang galaw ni Kiko Barzaga. Nangingilo ako tuwing nababasa ko ang hirit ng bagets na ito. Nagtataka nga ako kung bakit inihalal si Barzaga ng mga taga-Dasmariñas City sa Cavite. (BASAHIN: [Inside the Newsroom] Kiko Barzaga doesn’t deserve the spotlight)

Aminado si Barzaga na mahilig siya sa mga pusa kaya minsan tinatawag siyang “Meaow-meaow.” Sige na nga, palalagpasin na ng tambay na ito ’yang pa-cutesie na ’yan. Eh, sa ’yun ang gusto niyang palayaw, nasa kanya na iyon.  

Hindi ko rin minamasama ang pagbatikos niya sa gobyerno. Karapatan niya iyan. Basta hindi siya mananakit at hindi nagtatawag ng armadong pag-aaklas laban sa gobyerno. Pero ’yung ibang social media posts niya ay maaaring ipakahulugan na labag sa batas. Sinuspinde na nga ng mga kapwa niya kongresista si Barzaga dahil dito.

Sa pananaw ko, ang estilo ni Barzaga sa social media na padaskól-daskól na paglalahad ng kung anumáng maisipan niya ay sisira sa kanya. Baka “it’s a generation thing” lang itong sinasabi ng tambay na ito. Pero, dahil kongresista siya, sana pumasok sa isipan niyang siya ang kinatawan ng mga taga-Dasmariñas. Ang tanong ko nga, ganyan ba kayo sa Dasmariñas?

Nung dinidinig sa plenaryo ng Kamara ang ethics complaint kontra kay Barzaga, isa sa mga tumayo upang ipagtanggol siya ay si Representative Eli San Fernando.

Kailan ko lang nasilip ang social media posts ni San Fernando. Ang una kong puna ay naiingayan ako sa kanya. “Generation thing” na naman kaya ito? 

Ayon sa talâ namin dito sa Rappler, ang profession ni San Fernando ay “union organizer.” Style ba niya iyang maingay, o ganyan na talaga ang bagong henerasyon ng mga taga-organisa ng mga manggagawa? Sabagay, hindi ko pa siya nakikita o nakikilala nang personal, kaya hindi ko pa siya dapat mahusgahan nang tuwiran. Ibang-iba rin ang social media persona sa aktuwal na pagkatao.

Nung panahon kasing nag-oorganisa kami sa mga manggagawa, hindi kami ganyan kaingay. 

Kahit naaasiwâ ako sa ingay ni Cong Eli, siyénto porsiyénto kong sinusuportahan ang adhikain ng grupo niya, partikular ang tawag nila sa pagbuwag sa “provincial wages” at pagbuo ng national minimum wage.

Gayumpamán, parang sariwang hangin ang dala ng mga newbies sa larangan ng polítiká sa Pilipinas. 

Hindi ka man sang-ayon, dapat pa rin silang pakinggan. Dapat bigyan ng puwang sa democratic space.  Ang pakikinig sa iba-ibang pananaw at paniniwala ay bahagi sa pagbuo ng makabuluhang pagpapasiya.  Sa kalaunan, makatutulong ito sa lipunan.

Maling isipin, lalo na ng mga tulad kong hitik na sa karanasan, na tayo lang ang may hawak ng dunong. Makinig muna tayo. Kaliskisan ang sitwasyon. Saka magpasya.

Sabi nga sa binasang ebanghelyo sa mga misa ngayong pista ng Santo Nino: “Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa mga pinaghaharian ng Diyos. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang ganito dahil sa Akin ay Ako ang tinatanggap. Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito.”

Oo nga pala, Viva! Pit Senyor! – Rappler.com

Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.

Disclaimer: The articles reposted on this site are sourced from public platforms and are provided for informational purposes only. They do not necessarily reflect the views of MEXC. All rights remain with the original authors. If you believe any content infringes on third-party rights, please contact service@support.mexc.com for removal. MEXC makes no guarantees regarding the accuracy, completeness, or timeliness of the content and is not responsible for any actions taken based on the information provided. The content does not constitute financial, legal, or other professional advice, nor should it be considered a recommendation or endorsement by MEXC.